Entry: Prof. Bien Lumbera's Speech Apr 29, 2004



ALING BAYAN ?
SINO ANG ANG NAGHIHINTAY SA IYONG   HANDOG NA TALINO  AT
TALENTO?

Ni Bienvenido Lumbera

Pananalita sa Pagtatapos ng Klase 2004 ng Kolehiyo ng Arte at
Literatura,
U.P.
24 Abril 2004


Abril 1954 nang magtapos ako sa Unibersidad ng Santo Tomas.  Limampung
taon na ang nakararaan, at bilang graduate na pinaglaruan na ng
panahon,
gusto ko sanang angkinin ang karapatang magsalita bilang ako sa
okasyong
ito.  "Talino at Talento: Handog sa Bayan" ang tema ng ating seremonya
ngayong hapon.  Gusto kong baguhin ang anggulo ng tema.  Gusto kong
gawing tanong ang anyo ng pamagat: "Aling Bayan? : Sino ang Naghihintay
sa Iyong Handog?"  Hangad ko sanang    itampok ang Bayan at ang tinig
nitong ipinaaabot sa mga estudyanteng KAL na lilisanin na ang Kolehiyo
ng
Arte at Literatura sa araw na ito.

Sa inyong pagbabasa ng diyaryo, panonood ng TV at pakikinig sa radyo,
bawat isa sa inyo ay minumulto na ng Bayang naghihintay sa inyong
lahat.
Ang Bayang iyan ay lipunang naghihikahos, halos walang tinig sa
pamamahala ng ating buhay, at wari'y walang kulturang agad
nagpapakilala
sa atin bilang nagsasariling bansa.  Ito ba ang Bayang paghahandugan mo
ng talino at talento?

Nang magtapos kami ng mga kaklase ko noong 1954, inakala naming
maaliwalas
ang tanawing aming sasapitin.  Sampung taon nang tapos ang digmaang
naglugmok sa Bayan sa paghihikahos at ang mga guho ng digma ay
napapalitan na ng mga buong gusali.  At ang karahasan at kriminalidad
na
  ibinunga sa kanayunan ng rebelyong Hukbalahap ay waring pinayapa na
ng
panunungkulan ni Ramon Magsaysay bilang Defense Secretary.  Sa ibang
panahon na namin matutuklasan na kami pala ay piniringan ng edukasyon
at
ng midya kaya't hindi namin namalayan na may ginagawa palang
pagmamaniobra ang CIA sa pamamalakad ng gobyernong diumano ay
nagsasarili
na.  Akalang itinanim sa aming kamalayan na sumusulong na ang Filipinas
sa pagiging pangunahing bansa, kung hindi man sa buong Asia, ay sa
Timog-Silangang Asia man lamang.

Mga anak  kami ng panahon ng "special relations"  ng Filipinas at
Estados
Unidos, at ang Fulbright Exchange Program ay tanggap ng mga edukadong
Filipino bilang katibayan ng mga biyaya ng palitan ng kultura ng
dalawang
bayan.  Sa pamamagitan ng Fulbright Program, libo-libong nakapagtapos
ng
kolehiyo ang nag-ambisyong makarating sa Estados Unidos at doon
nagkamit
ng titulong  gradwado at ng tatak na "State-side."

Sa madaling sabi, walang agam-agam naming pinasok ang Bayang
naghihintay
sa paglilingkod ng mga bagong intelektuwal.  Aywan kung mapalad nga ang
aming graduating class dahil sa aming kawalang-muwang kung itatabi sa
klase ninyong mulat ang mata sa mga katiwalian sa ating lipunan.  Sa
ano't anuman, nakabungad kayo sa Bayang kulang sa maraming bagay,
lalong-lalo na sa katiwasayang dulot ng maunlad na ekonomiya at maayos
na
demokrasya.  Ano kaya ang sinasabi sa inyo ng Bayang iyan?  Ano ang
kaanyuan ng hinihinging handog sa inyo?

Sa Bibliya, sa librong Henesis, may taong hiningan ng Diyos ng handog,
at
ngayon sa ating panahon, ang kanyang halimbawa ang mapagkukunan natin
ng
pahiwatig kung paano dapat harapin ang hamon ng lipunang inyong
papasukin.

Ang taong iyon ay si Abraham na inatasan ng Diyos na ihandog bilang
sakripisyo ang kaisa-isang anak na si Isaac.  Walang sinasabi ang Banal
na Kasulatan tungkol sa niloloob ni Abraham habang paakyat siya sa
bundok
ng pag-aalay kasama ang kanyang bunso.  Ang tanging isinalaysay ay ang
kanyang pagtalima sa di-mababaling atas ni Yahweh.  Ano ang ipinamalas
ng
halimbawa ni Abraham?  Una, pagkilala sa kahalagahan ng
pagsasakripisyo;
ikalawa, tibay ng loob na isakatuparan  ang hinihinging sakripisyo; at
ikatlo, ang walang pasubaling pag-alinsunod sa atas na isagawa ang
sakripisyo.  Tunay na kahindik-hindik ang halimbawa ni Abraham at hindi
naman kailangang pantayan ng KAL graduate ang taas ng antas ng
pagsasakripisyo ni Abraham.

Sa ating panahon at sa ating bansa mismo, may tatlong kabataan sa aklat
na
pinamatnugutan ni Asuncion David Maramba na nagpamalas ng kabayanihang
pambihira ngunit kayang abutin ng karaniwang kabataan.  Sa Six Young
Filipino Martyrs (Anvil,1997), tinipon ni Maramba ang talambuhay ng
anim
na kabataang itinuring niyang martir ng paglilingkod sa bayan.  Ang
nais
kong  tukuyin ay isang doctor na buong giting na ginamit ang kanyang
talino at talento upang mabigyang lunas ang mga dukhang kababayan sa
kanayunan ng Samar.  Ang isa naman ay babaeng naging organisador ng
kababaihang sa panahong itayo niya ang organisasyong Makibaka ay walang
sariling tinig  gayong sinasabing katuwang sila ng kalalakihan sa
pagsunong sa kalangitan.  At ang ikatlo ay isang makata na kung
saan-saang landas napaligaw sa paghahanap ng kanyang pagkatao hanggang
marating niya ang kabundukan bilang mandirigma para sa mga kababayang
magsasaka.  Bawat isa sa kanila ay iminulat sa kalagayan ng Bayan nang
sila ay abutan ng Unang Sigwa ng 1970 sa mga kolehiyong kanilang
pinaag-aaralan.   Dahil ang graduating class na ito ay sa UP
nagtatapos,
natitiyak kong alam ninyo na ang tinatawag na "sigwa" ay ang malawakang
pagkilos ng mga kabataang  nanawagan at kumilos para sa radikal na
pagbabago ng lipunang Filipino noong 1970.  Dinala ng Unang Sigwa ang
mga
kabataan sa mga kalye, plasa at baryo ng Kamaynilaan sa kanilang
pagpapalaganap ng ideolohiya ng Pambansa Demokrasya.

Ang bakas ng Unang Sigwa ay naiwan kahit sa kamalayan ng mga kabataang
Filipinong hindi naging bahagi ng pagkilos noong 1970, at nang sumunod
na
mga buwan na lamang napasanib sa makabayang kilusan.  Ang bakas na iyan
ay nalimbag sa imahinasyon ng panahon sa pamamagitan ng mga tula,
kuwento, awitin at pagtatanghal na madamdaming naglarawan sa api at
pinagsasamantalahan sa lipunan, at magiit na nag-udyok na lumahok ang
mga
mamamayan sa pagtatatag ng kaayusang may tunay na paglaya at
demokrasya.

Kung may Yahweh na nag-atas sa mga bagong Abraham na mag-alay ng
sinunog
na handog sa ikaluluwalhati ng Bayan, iyan ay ang panawagan ng Unang
Sigwa na paglingkuran   ang sambayanan na binubuo ng mga manggagawa,
magsasaka at ang iba pang pinakaaba sa lipunan.

Si Dr. Remberto de la Paz, taga-Maynila, ay piniling sa kanayunan
magdoktor dahil  doon niya nakita ang pangangailangan para sa isang
manggagamot na handang manggamot nang hindi naniningil.  Ang pagpili
niya
sa Catbalogan, Samar, ay  kanyang sariling pagsalungat sa
pangingibang-bayan ng  maraming kabataang doctor na kapanahon niya.
Isang awit ang inialay sa kanya ng makata at mang-aawit na si Jess
Santiago.  Sa awit, isinanib ni Santiago ang boses ni Bobby de la Paz
sa
kanyang tinig: "Bakit ka aalis, bakit ka lilisan/Di mo ba naririnig ang
daing ng bayan? /Kay dami ng maysakit na di nalulunasan, / Bakit
ipagkakait ang iyong kaalaman?"  Narito sa mga salita ng
makata-mang-aawit ang sumbat ni Bobby sa mga kapwa doctor na natitiis
magsawalang-kibo sa harap ng laganap na kahirapan ng mga Filipino sa
kanayunan.

Para kay Lorena Barros ang handog na hinihingi ng Bayan ay ang paglaya,
at
dito ay kanyang pinagtuunan  ng pagsisikap ang pag-oorganisa ng
kababaihan sa lilim ng Makibaka na siya ang tagapangulong tagapagtatag.
Sa kabila ng mga pasubali ng mga kasama sa kilusan, iginiit niya na may
naiibang pangangailangan ang mga babae na hindi kayang pangalagaan ng
organisasyong kinabibilangan magkasamang babae at lalaki..  Ang panahon
at pisikal na lakas ay  ginugol ni Lorena sa pag-oorganisa   bagamat
ang
tunay niyang mithiin ay humabi ng mga tula.  Iilan lamang ang naisulat
niyang tula sapagkat inuna niyang tugonin  ang pangangailangan ng
sektor
na kanyang pinaglilingkuran.  Nang siya ay mapatay ng mga sundalo ni
Diktador Marcos, isa na siyang pulang mandirigma na itinalaga ang buhay
sa pagpapalaya ng sambayanan.  Sa mga taludtod ng kanyang tulang papuri
sa kabayanihan ng mga kasamang maagang nalagas sa pakikibaka, wari'y
tinutulaan niya ang kanyang sariling sakripisyo  bilang buko ng
bulaklak
na hindi nabigyan ng pagkakataong makabukad. Anya:  "How like this pure
white bud/are our martyrs, fiercely fragrant with love/ for our country
and people!/ with what radiance they should still have unfolded."

Isa pang makata ang tumugon sa mala-dios na atas ng pangangailangan ng
Bayan, makatang sa simula'y naakit ng kulturang  "Amboy"nang siya ay
manirahan at mag-aral sa E.U. bilang iskolar ng gobyernong Amerikano.
Tinagurian siyang "Rimbaud" ng Filipinas dahil sa kanyang  masidhing
pagsisikap na lasapin ang sarap  ng pagiging "hippie" sa mga taon ng
paglaganap ng mga kaisipan ng Unang Sigwa.  Sinubok niya ang mga
drogang
panggalugad ng imahinasyon, naging isang ispiritwal na lagalag sa
paghahanap ng kanyang identidad bilang indibidwal.  Sa mga huling taon
ng
maikli  niyang buhay natuklasan niya ang landas ng paglilingkod sa mga
kababayang isinadlak ng makapangyarihan sa laylayan ng lipunan sa
kanayunan.  Ang mahabang pagkaligaw ni Emannuel Lacaba ay nagdala sa
kanya sa gubat at kabundukan.  At doon niya nakamtan ang kanyang
hinanap
kung saan-saan.  Ayon sa kanya, "The road less travelled by we've taken
-- /And that has made all the difference: / The barefoot army of the
wilderness/ We all should be in time,  Awakened, the masses are
Messiah./
Here among workers and peasants our lost/ Generation has found its
true,
its only home."

Sa halimbawa ng tatlong martir ni Maramba,  sinasagot ang tanong sa
bukana
ng aking pananalita.  Aling bayan?  Ang mga Filipinong pinagkaitan ng
kasalukuyang kaayusan sa ekonomiya at politika, silang walang tinig at
ayaw kilalanin ng mga lider na humahawak ng kapangyarihan sa lipunan.
Tulad ni Yahweh hinihingi ng Bayang iyan ang inyong kahandaang
maghandog
ng talino at talento para sa mga abang pinabayaan.  Hindi iisa ang
tugong
hinihingi sa inyo, maraming iba-ibang sakripisyo  ang pwedeng ialay, at
maraming landas patungo sa altar na paglalagakan ng handog.  Marahil
ang
isang kahingiang dapat      tugunin ng bawat isa ay ang kahingiang
hubarin ang dating sarili upang pagbuksan ang personal na
transpormasyon
ng mag-aalay ng talino at talento.  Ang paghuhubad na iyan ay itinulad
ni
Eman sa pagtatapas  ng magsasaka sa  niyog:

Like husks of coconuts he tears away
The billion layers of his selfishness.
Or learns    to cage his longing like   the bird
Of legend, fire, and song within his chest.

May binabaklas at may isinusuko. Sa ganyan nagiging  karapatdapat ang
handog.
Maraming Salamat at Mabuhay kayo!

   5 comments

winifredo f. Seno
February 6, 2009   03:23 AM PST
 
Maraming salamat sa blog na ito marami akong natotonan sa mga nabasa ko.Isang napakagandang insparasyon sa mga kabataang nag-aaral at mag-sisipag-aral pa. its me
winseno@yahoo.com
winifredo f. Seno
February 6, 2009   03:22 AM PST
 
Maraming salamat sa blog na ito marami akong natotonan sa mga nabasa ko.Isang napakagandang insparasyon sa mga kabataang nag-aaral at mag-sisipag-aral pa. its me
winseno@yahoo.com
winifredo f. Seno
February 6, 2009   03:22 AM PST
 
Maraming salamat sa blog na ito marami akong natotonan sa mga nabasa ko.Isang napakagandang insparasyon sa mga kabataang nag-aaral at mag-sisipag-aral pa. its me
winseno@yahoo.com
Name
March 13, 2005   04:14 PM PST
 
nais ko sanang ilabas ang pinakatalambuhay nya simula ng bata siya
ed
August 6, 2004   05:01 PM PDT
 
Nabuhay na naman sa aking alaala si Eman. Sobra ang paghanga ko sa kanya, kaya ang panganay kong anak ay ipinangalan ko sa kanya. At nakakatuwa, mahilig ding magbasa ang anak kong si Eman, nangunguna rin sa klase at may pagkamatigas ang ulo. Masyado rin siyang matapang.
- ed
edgermino2000@yahoo.com

Leave a Comment:

Name


Homepage (optional)


Comments